Iginiit ni Prof. Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, na kailangang pag-usapan nang mabuti ang voting threshold sa impeachment proceedings, lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng Senado.
Ang voting threshold ay tumutukoy sa minimum na bilang ng boto na kailangan upang maaprubahan ang isang hakbang o mahatulan ang isang opisyal sa impeachment proceedings. Sa Senate impeachment trial, kinakailangan ang two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado para ma-convict ang isang inaakusahang opisyal.
Dahil 24 ang kabuuang miyembro ng Senado, nangangahulugan ito ng 16 na boto para sa conviction.
Ayon kay Simbulan, lumilitaw ngayon ang usapin dahil 20 na lamang sa 24 na senador ang maaaring bumoto, matapos mabawasan ng apat ang mga miyembrong maaaring lumahok sa botohan.
Dahil dito, kinukuwestiyon ni Simbulan kung kinakailangan ding i-adjust ang bilang na gagamiting batayan sa voting threshold, o kung mananatili ang kasalukuyang requirement na nakabatay sa kabuuang 24 na miyembro ng Senado.
Giit niya, mahalagang malinaw ang usaping ito bago isagawa ang botohan dahil maaaring magkaroon ng malaking epekto ang bilang ng mga senador na makikilahok sa impeachment proceedings.
Samantala, sinabi ni Simbulan na posibleng mas mataas na bilang ng boto ang nais ng minorya sa Senado, na maaaring magpahirap sa pagkakaroon ng conviction laban sa bise presidente.
Binigyang-diin din niya na mahalaga ang impeachment trial kaya hindi umano dapat basta isama sa botohan ang mga senador na hindi nakadalo o nakapakinig sa buong paglilitis.
Posible rin umanong mauwi sa Korte Suprema ang usapin sakaling hindi makuha ng alinmang panig ang kinakailangang bilang ng boto. Ayon kay Simbulan, maaaring umapela sa Korte Suprema ang partidong matatalo upang humingi ng interpretasyon sa mga probisyon ng Saligang Batas.
Dahil dito, inaasahan niyang maaaring magkaroon ng legal na hamon bago o matapos ang botohan sa Senado.
Samantala, sinang-ayunan naman ni Simbulan ang mungkahing mag-imbita ng mga legal expert upang magsilbing gabay sa mga senador sa pagtalakay sa mga usaping legal na may kaugnayan sa impeachment.










