Nakatakda muling magbukas ang voter’s registration ng Commission on Elections (Comelec) mula Hulyo 1 hanggang Hulyo 11, 2025 para sa mga bagong botante.

Ayon sa naging mensahe ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang registration na ito ay bilang paghahanda para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections 2025.

Nilinaw rin rin ng Comelec na hindi na nila tatanggapin ang barangay certificate bilang patunay ng paninirahan dahil ginagamit umano ito ng ilang opisyal ng barangay upang manipulahin ang proseso ng pagpaparehistro.

--Ads--

Kung kaya’t bilang alternatibo, tatanggapin na ngayon ng Comelec ang iba’t ibang uri ng ID bilang patunay ng paninirahan, kabilang na rito ang postal ID, senior citizen’s ID, at student’s ID.

Hinimok ng ahensya ang publiko, lalo na ang mga kabataang edad labinglima (15) pataas para sa SK elections at mga edad labing walo (18) pataas para sa barangay elections, na samantalahin ang pagkakataong ito upang maiparinig ang kanilang boses sa darating na halalan.

Target naman ng Comelec na makapagtala ng hindi bababa sa 1 milyong bagong botante mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa loob ng sampung araw.