Ikinagulat umano ni Magdalo Representative Gary Alejano ang naging rebelasyon ni Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez kung saan tinatayang nasa P500,000 hanggang P1 milyon ang alok sa bawat congressman kapalit ng boto para sa mga nag-aasam na maging House Speaker.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Alejano, nakakalungkot umano ang naturang ulat dahil lumalabas aniya na kailangan na ring bilhin ang boto ng myembro ng kongreso. Aniya, tila nagiging sistema na talaga ang ‘vote buying’ dahil pati na ang mga nasa mataas na posisyon ay handang magwaldas ng napakalaking halaga ng pera maluklok lamang sa inaasam na pwesto.
Dagdag pa ni Alejano, ang pagsisiwalat ni Alvarez ng ‘vote buying’ sa mga kongresista ay nagpapatunay lamang na tuluyan na ngang nawala ang ‘essence’ ng maayos na election sa Pilipinas.
Dagdag pa nito, tila malabo na rin umanong makamit pa ang ‘No to Vote Buying’ sa mga local na opisyales dahil mismong ang Kamara de Representantes ay bumibili na rin ng boto.
Matatandaan na sa isang panayam, inamin mismo ni Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez na nagsimula ng mamili ng boto ang ilang kongresista na nagnanais masungkit ang trono bilang susunod na lider ng Kamara sa 18th Congress. Hindi naman nito pinangalanan ang mga sangkot sa gawaing ito maging ang kongresista na pinagbili ang boto.
Kabilang si Alvarez sa apat na kongresista na nagpahayag ng interes na maging Speaker sa 18th Congress.
Ang iba ay sina Taguig City Representative-elect Alan Peter Cayetano, Leyte Representative-elect Martin Romualdez at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.