DAGUPAN CITY- Kailangan ng matibay na ebidensya upang mapatunayan na ang isang tumatakbong kandidato ay involved sa pagbili ng boto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, na simula’t sapul ay mahirap nang patunayan sa korte ang vote buying dahil sa dami ng paraan kung paano ito isinasagawa.

Aniya, malaki ang problema sa pag-usig nito dahil kulang sa ebidensya at tila naging bahagi na ito ng kultura sa halalan.

--Ads--

Maraming botante rin ang inaasahan nang may matatanggap tuwing eleksyon, habang ang mga kandidato naman ay handang gumastos para manalo.

Dagdag niya, dapat ding tutukan ang galaw ng COMELEC lalo’t may mga ulat ng vote buying sa iba’t ibang lugar.

Babala rin niya na kapag nandaraya na ang kandidato habang kumakampanya pa lang, mas lalong delikado kapag nanalo ito.

Dagdag pa niya, maraming Pilipino ang kulang sa kaalaman sa tunay na tungkulin ng mga halal na opisyal.

Mahalaga umanong ipaliwanag sa publiko ang layunin ng bawat kandidato at ang mas mahalagang responsibilidad ng mamamayan ay hindi lang ang pagboto, kundi ang pananagot sa mga halal pagkatapos ng eleksyon.