DAGUPAN CITY- Pinaghahandaan na ng Russia ang isa sa kanilang pinakamahalagang araw, May 9, upang gunitain ang Victory Day o ang 80th Anniversary ng pagkapanalo ng Soviet Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Genevive Dignadice, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, mahalaga ito para sa kanilang pangulo upang imbitahin ang iba pang presidente mula sa ibang mga bansa at makausap hinggil sa kalagayan ng kani-kanilang bansa.
Aniya, pagkakataon din ito na makapagpahinga ang mga frontliners nila sa gyera at makiisa sa selebrasyon. Inanunsyo ni Russian President Vladimir Putin na ipapatupad ang 3 days ceasefire mula May 8-10 upang bigyan daan ang nasabing mahalagang araw.
Inaasahan din nila na magiging tagumpay ang mga peace negotiations upang tuluyan nang matuldukan ang gyera na kinakaharap ng Russia.
Gayunpaman, nagdududa ang Washington sa ceasefire at pinaniniwalaan nilang gagamitin lamang ito ng Russia upang muling tumayo at palakasin pa ang kanilang pwersa.
Sa kabilang dako, sinabi rin ni Dignadice na may dalawang bagong batas na ipapatupad ang Russia na aniya, makakatulong sa mga Overseas Filipino Workers.
Isa na rito ang pagsasalegal ng mga undocumented foreigners. Kanilang ikinakatuwa ito dahil magagawa nang makabalik na sa nasabing bansa ang mga Pilipino na umuwi ng bansa dahil sa hindi dokumentado ito. Maliban pa riyan, binigyan sila ng sapat na panahon o hanggang Setyembre upang ayusin ang kanilang mga dokumento.
Habang ang ikalawang batas na ipapatupad ay hindi pa isinasapubliko ng gobyerno ng Russia.