Mariing kinondena ni Vice Mayor Domyciano Ching ang pahayag ni Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario ng Manaoag sa sagot nito hinggil sa hindi umano pangangailangan ng Sewage Treatment Plant (STP) sa kanilang ipinapatayong bagong pampublikong palengke.

Binigyang-diin din nito na ang “public office is a public trust” at hindi dapat ilihis ang katotohanan sa publiko.

Kinuwestiyon kasi nito ang basehan ng alkalde na hindi kailangan ang STP dahil hindi umano aabot sa 212 ang occupants ng palengke lalo na sa wet section kundi hygenic septic tank na lamang.

--Ads--

Ipinunto naman ng bise na ayon sa plano, aabot sa 440 ang kabuuang stalls sa palengke na tumutukoy sa lahat ng magtitinda sa wet at dry market kaya kailangan itong gawan ng STP batay sa DILG Memorandum Circular 2019-62.

Dagdag pa niya, ang paliwanag ng alkalde ay nakaliligaw dahil nag-isyu ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Environmental Compliance Certificate (ECC) na nagtatakda na dapat may STP ang palengke dahil lagpas ito sa 212 ang bilang ng mga gagamit nito.

Binanggit pa ng Bise Alkalde na nagsagawa ng inspeksyon ang Barangay Poblacion sa pamumuno ni Kapitan Jefferson Ching, at sumunod din siya kasama ang kanyang consultant.

Sa kanilang pag-iikot, napansin nilang walang kahit hygienic septic tank at inamin din ito ng foreman, maliban lamang sa nailagay na septic tank sa mga comfort room.

Ipinahayag din ng opisyal na ang pagdinig na kanyang ipinatawag ay hindi isang “moro-moro” dahil dumalo ang mga kinatawan ng DENR at iba pang concerned parties.

Iginiit niya na nararapat na magsabi ng totoo ang alkalde sa publiko at aminin ang anumang pagkakamali.

Samantala, ibinunyag naman ni Engr. Percival Aquino, consultant ng Office of the Vice Mayor, ang mga detalye tungkol sa kakulangan ng Sewage Treatment Plan (STP) sa pampublikong palengke ng Manaoag.

Ayon kay Engr. Aquino, napansin niyang nauna pang naaprubahan ang ECC kaysa sa awarding ng kontrata.

Dagdag pa niya, hindi umano na-review ang plano na walang STP mula Mayo hanggang Setyembre 2025.

Umaasa siyang makakagawa ng paraan para mapilit ang contractor na magtayo ng STP o hygienic septic tank na aprubado ng DENR.

Kaugnay nito, binanggit naman ng bise na handa siyang makipag-ugnayan sa alkalde upang mapag-usapan ang kakulangan sa bagong palengke, partikular ang kawalan ng STP.

Aniya, ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin batay sa nagbigay ng sulat na concerned citizen at walang personal na laban kay Mayor Rosario.

Pinunto niya na inulit nila ang pag-inspeksyon ngunit walang nakitang STP sa plano o nagawang hygienic septic tank.

Ibinunyag niya na maaaring dumiretso ang wastewater sa kanal at walang system na nakapaloob sa plano, kaya kailangan agad itong itama.

Nanawagan si Ching sa alkalde na magsabi ng katotohanan sa publiko at huwag nang pagtalunan ang usapin.

Dapat aniyang itama ang mali sa palengke upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng mga mamamayan.