BOMBO DAGUPAN – Idineklara ni Venezuelan President Nicolas Maduro ang darating na October 1 na petsa ng Pasko sa bansa ngayong 2024.

Inihayag ito ni Maduro sa kanyang weekly television program.

Naniniwala naman ang mga kritiko ni Maduro na inagahan ang selebrasyon ng Christmas sa kanilang bansa para matigil ang protesta ng mga tao sa naging resulta ng eleksyon noong Hulyo.

--Ads--

Hindi ito ang unang pagkakataong binago ni Maduro ang petsa ng pagdiriwang ng Pasko sa Venezuela, isang Catholic-majority country, mula nang palitan niya si Hugo Chavez sa puwesto noong 2013.

Pero ang kanyang naging aksiyon sa pagkakataong ito ay para-ma-distract ang mga Venezuelans na nagpapakita ng galit dahil sa naging resulta ng eleksiyon—na ayon sa mga nasa opposition ay sila ang nanalo sa ginanap na eleksiyon noong July 28, 2024.

Ang claim naman ng kampo ng opposition candidate na si Edmundo Gonzalez Urrutia na sila ang tunay na nagwagi ay suportado ng United States at ng iba pang Latin American countries.

Maging ang Mexico, Colombia, at Brazil na kilalang malapit kay Maduro ay tumangging kilalanin ang official result ng eleksiyon hangga’t hindi nila nakikita ang detalyadong tally ng mga boto.

Kinuwestiyun din ng United Nations, ng Carter Center, at iba pang international groups ang pagdedeklara ni Maduro na siya ang nanalo.