Dagupan City – Pansamantala munang inilipat sa ilang bahaging natapos na sa One Manaoag Public Market ang ilang vendor na nanatili ng halos isang taon sa isang pribadong lote na ipinahiram sa bayan ng Manaoag.
Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, kinailangang buksan muna ang ikalawang gusali ng bagong public market upang mailipat ang mga vendor mula sa lupang pansamantalang pinaglagyan sa kanila.
Aniya, kailangan nang maibalik sa may-ari ang nasabing lote dahil mayroon itong planong pagtayuan ng commercial arcade.
Nagpasalamat naman ang alkalde sa pamilya ng may-ari sa pagpapagamit ng lugar habang isinasagawa ang pagtatayo ng bagong pamilihan.
Kabilang sa mga unang nailipat ang meat section sumunod ang fish section at ang mga nagtitinda ng gulay, prutas at dry goods.
Samantala, ang ilang vendor na dating naglalatag lamang ng paninda ay pansamantalang binigyan ng puwesto sa harap ng Building B.
Ayon kay Rosario, hindi permanente ang mga naturang puwesto dahil layunin ng pamahalaang bayan na alisin ang mga naglalatag sa sahig at mabigyan ang mga ito ng mas maayos na lugar.
Malapit na ring matapos ang isa pang gusali ng palengke at hinihintay na lamang umano ang pinal na approval para sa escalator upang magamit ang ikalawang palapag at mapaglagyan ng mga tenant.
Bagama’t hindi pa pormal na binubuksan ang buong One Manaoag Public Market, binuksan na ang mga bagong daanan at ang gitnang bahagi nito upang mapadali ang pagpasok ng mga mamimili at sasakyan.
Tinatayang isa hanggang dalawang buwan na lamang ang kailangan bago maging ganap o pormal nang mabuksan at maging handa na ang pamilihan dahil kaunti na lamang ang kailangang tapusin.
Isa rin sa mga bagong sistema sa palengke ang pagkakaroon ng sariling metro o contador ng kuryente sa bawat stall.
Layunin nitong maging mas malinaw ang konsumo at pananagutan ng bawat vendor sa kanilang kuryente.
Iginiit din ni Rosario na direktang makikipagtransaksyon ang mga vendor sa munisipyo at hindi na sa mga pribadong indibidwal.
Aniya, layunin nitong maging mas maayos at transparent ang sistema ng pamamahala sa mga puwesto sa pamilihan.
Kasabay nito, hinikayat ng alkalde ang mga vendor at mamimili na panatilihin ang kalinisan, disiplina at pagsunod sa mga alituntunin upang maging organisado ang bagong pamilihan.
Nakapaloob naman sa lease contract agreement na inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang mga patakaran sa paggamit ng mga stall.
Gayunman, hinihintay pa ang schedule ng hearing sa Sangguniang Panlalawigan bago ito tuluyang maipatupad.
Habang wala pa ang kinakailangang pag-apruba, ticketing system muna ang ginagamit sa mga vendor.
Inaasahang pansamantala lamang ito at maaaring tumagal ng isa hanggang dalawang buwan, bago ipatupad ang permanenteng sistema kapag nakumpleto na ang proseso ng pag-apruba.










