Tuwing ika-14 ng Pebrero, ramdam ang Valentine’s Day sa buong lungsod ng Hong Kong.

Kapag ito ay naitapat na holiday, karaniwang nagkakaroon ng mga programa sa mga pampublikong parke, kabilang na ang mga beauty pageant at iba pang aktibidad para sa magkasintahan at mag-asawa.

Hindi rin mawawala ang mga red roses, na tradisyonal na simbolo ng pag-ibig, na binibigay sa mga mahal sa buhay.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlon Pantat De Guzman – Bombo International News Correspondent sa Hongkong, maraming hotels at restaurant ang nagbibigay ng freebies tuwing Valentine’s Day, kabilang ang pusong balloon, chocolate, at iba pang regalo para sa mga magkasintahan.

Ayon sa tradisyon, kadalasang kulay pula ang isinusuot ng mga tao, bilang simbolo ng pagmamahal at passion.

Ang mga tao sa Hong Kong, lalo na ang mga Chinese guy, ay kilala rin sa kanilang pagiging gentleman.

Halimbawa, kadalasan silang nagbubuhat ng bag kapag namimili o naggrocery, bilang pagpapakita ng pag-aalaga sa partner.

Lubhang modern at liberal din ang kultura sa lungsod: nakikita ang mga magkasintahan na nagkikikiss at nagha-hug sa mga pampublikong lugar, at uso rin ang living together bago magpakasal.

Gayunpaman, may malinaw na pamantayan ang mga Chinese sa pag-aasawa.

Dapat ang lalaki ay may sapat na kita at stable na trabaho bago magpakasal.

Hangga’t wala pang pera at regular na hanapbuhay, hindi pa inaasahang mag-asawa.

Mahalaga rin ang respeto sa partner: hindi pinahihintulutan ang sigawan o domestic violence, at ang bawat maling kilos ay maaaring aksyunan ng pulisya.

Sa kabila ng mga pamantayang ito, naniniwala ang mga tao sa Hong Kong na ang pagmamahal ay dapat ipakita araw-araw, hindi lamang tuwing Valentine’s Day.