Maaring gawing self-love season ang araw ng mga puso.
Yan ang ibinahagi ni Icelle Soriano, PhD. Psychologist 3, R1MC kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng Valentines day.
Aniya, maraming paraan para ipagdiwang ito ngunit para sa ilan, lalo na ang mga kakagaling lamang sa heartbreak ito rin ang panahon ng masakit na alaala.
Hindi madaling harapin ang epekto nito at may malaking bahagi ng healing process na dapat pagtuunan ng pansin.
Ayon kay Dr. Soriano, ang heartbreak ay hindi lamang pagtatapos ng isang relasyon, kundi isang malalim na proseso ng pagkawala.
Hindi lamang ang tao ang nawawala, kundi pati na rin ang mga pangarap, plano, at ang pakiramdam ng seguridad na dulot ng pagmamahal.
Kung saan ang emotional toll ng heartbreak ay maaaring magdulot ng kalituhan, anxiety, at depresyon.
Ang mga damdaming ito ay madalas nakakaapekto sa mga pang-araw-araw na gawain, gaya ng paggawa ng mga desisyon at pagtupad ng mga responsibilidad.
Habang mahirap pagdaanan ang sakit ng pagkawala, binigyang-diin ni Dr. Soriano na ang Araw ng mga Puso ay hindi lamang para sa mga magkasintahan.
Ito rin ay pagkakataon upang itaguyod ang pagmamahal sa sarili.
Gaya ng pagpapahinga, at paggugol ng oras kasama ang pamilya at mga kaibigan.
Ayon sa kanya, ang mga simpleng hakbang na ito ay makakatulong upang mabawasan ang kalungkutan at mapalakas ang loob ng isang tao.










