DAGUPAN CITY – Ipinagdiriwang sa Trinidad and Tobago ang Valentine’s Day bilang isang espesyal na araw hindi lamang para sa mga magkasintahan kundi maging sa mga mag-asawa.
Ayon kay Alan Tulalian, Bombo International News Correspondent sa Trinidad and Tobago, maraming hotel at restaurant sa bansa ang nag-aalok ng iba’t ibang promo na sinasamantala ng mga nagmamahalan upang gawing mas makabuluhan ang selebrasyon.
Dagdag pa ni Tulalian, ang Valentine’s Day ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng regalo o pagpapakita ng romansa, kundi isa ring paalala sa kahalagahan ng pangangalaga sa ating puso.
Aniya, mahalagang isabuhay ang wastong pagkain at malusog na pamumuhay bilang bahagi ng tunay na pagmamahal na hindi lamang sa ating kapareha kundi pati na rin sa ating sarili.
Sa Trinidad and Tobago, ginagamit din ang okasyong ito upang hikayatin ang publiko na maging mas responsable sa kanilang kalusugan habang ipinapakita ang pagmamahal sa kanilang kapareha.
Sa ganitong paraan, ang Valentine’s Day ay nagiging selebrasyon hindi lamang ng romansa kundi pati na rin ng malusog at mas matibay na relasyon.




