Dagupan City – Maigting na sinusuportahan ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Pangasinan Chapter sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na obligahin ang bawat Local Government Unit (LGU) na aktibong makilahok sa pagsubaybay at pagpapatupad ng mga flood control project sa kanilang nasasakupan.

Layunin ng utos na paigtingin ang koordinasyon sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan, at sugpuin ang anumang anomalya sa paggamit ng pondo para sa mga proyektong ipinapatupad ng gobyerno.

Sa isang panayam, iginiit ni LMP-Pangasinan President at Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na kritikal ang papel ng mga LGU sa pagtiyak na naisasakatuparan nang maayos at transparent ang mga proyekto.

--Ads--

Ayon kay Rosario, walang dokumentadong kaso ng “ghost projects” o pekeng proyekto sa kanilang nasasakupan sa Manaoag, at naniniwala siyang ganito rin sa buong lalawigan ng Pangasinan

Samantala, binanggit ni Rosario ang isang patuloy na proyekto sa Barangay Nalsian na nagkakahalaga ng P14 milyon para sa pagpapatibay ng dike na nasira noong nakaraang mga bagyo.

Binigyang-diin ng LMP na ang masinsinang pakikialam ng LGUs ay hindi lamang tungkol sa pag-iwas sa korapsyon kundi pagtugon sa pangmatagalang problema sa pagbaha at kahirapan.