Nagbanta si US President Donald Trump na magpataw ng 100% taripa sa lahat ng produktong mula sa Canada kung makikipagkasundo ito sa China sa larangan ng kalakalan.

Sa isang post sa Truth Social noong Sabado, sinabi ni Trump na agad umanong papatawan ng mataas na taripa ang Canada kung itutuloy nito ang kasunduan sa China.

Lumala ang tensyon sa pagitan ni Trump at Canadian Prime Minister Mark Carney matapos ang talumpati ni Carney sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland.

--Ads--

Kamakailan ding nakipagpulong si Carney kay Chinese President Xi Jinping at inanunsyo ang isang kasunduang pangkalakalan na may kinalaman sa electric vehicles.

Bagama’t dati itong tinawag ni Trump na “mabuting bagay,” nagbago ang kanyang tono sa mga sumunod na pahayag.

Hindi pa malinaw kung ipinatupad na ang nasabing kasunduan.

Tinukoy din ni Trump si Carney bilang “Governor” at binalaan ang Canada laban sa pagiging daanan ng mga produktong Tsino patungong Estados Unidos.

Wala pang ibinigay na detalye si Trump hinggil sa petsa ng posibleng pagpapatupad ng taripa.