Itinuturing ni US President Donald Trump na naging mabunga ang naging pag-uusap nina Russian President Vladimir Putin at ng kaniyang kinatawan na si Steve Witkoff.
Nasa Moscow si Witkoff upang hikayatin si Putin na tumugon sa ceasefire na isinusulong ng Estados Unidos, sa layuning matigil na ang labanan sa Ukraine.
Ang nasabing pagkikita ay isinagawa kasunod ng nalalapit na deadline na itinakda ni Trump para sa Russia na sumang-ayon sa ceasefire. Binigyang-diin ni Trump na kung mabibigo ang Russia na tumalima, ipapataw niya ang mas mabigat na parusa sa anyo ng karagdagang sanctions.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan din si Trump sa ilang kaalyadong bansa sa Europa, kung saan nagkakaisa ang pananaw na dapat nang wakasan ang kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Magugunitang binalaan ni Trump ang Russia na papatawan ng mataas na taripa at mabibigat na sanctions ang mga produkto nito kung magpapatuloy ang tensyon.