Ibinasura ng US Supreme Court ang plano ni Pangulong Donald Trump na higpitan ang pagboto sa pamamagitan ng koreo bago ang midterm elections sa Nobyembre, na itinuturing na dagok sa White House.
Pinagtibay ng mga mahistrado ang utos ng isang federal judge na pansamantalang humarang sa pagpapatupad ng United States Postal Service o USPS ng mga bagong requirement para sa mga balotang ipinapadala sa koreo.
Tinawag ni Trump ang desisyon na isang dagok sa kanyang partidong pampulitika. “Muling nakatanggap ang mga Republican ng isa pang masamang desisyon mula sa United States Supreme Court,” isinulat ng pangulo sa Truth Social.
Bilang tugon, sinabi ng isang legal group na makatutulong ang desisyon upang mapigilan ang USPS sa paghahasik ng kaguluhan sa ating mga halalan.
Gayunman, malamang na hindi pa ito ang huling desisyon sa usapin. Sumang-ayon si conservative Justice Brett Kavanaugh sa naging ruling, ngunit ipinahiwatig niyang maaari pa siyang pumanig kay Trump sa hinaharap habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kaso.
Iginiit ni Trump, na nagsabing layunin ng mga bagong patakaran na labanan ang pandaraya sa halalan, na nilagdaan niya noong Marso ang isang executive order na nag-uutos sa USPS na maghatid lamang ng mga balota sa mga botanteng nasa listahan ng mga mamamayan.
Hinamon naman sa korte ang mga naturang hakbang dahil umano nilalabag nito ang karapatan ng mga estado na nakasaad sa Konstitusyon na pangasiwaan ang kanilang sariling halalan.
Nagbabala rin ang mga election officials mula sa 24 na estadong pinamumunuan ng mga Democrat at sa District of Columbia na hindi pa handa para ipatupad ang mga iminungkahing pagbabago at maaaring maging dahilan upang hindi makarating ang mga balota sa mga botante.










