Inihayag ni US President Donald Trump na maaaring matapos na ng Amerika ang military attacks sa Iran sa loob ng dalawa o tatlong linggo.

Kung saan hindi na aniya kailangan ng Iran na makipag-kasundo sa US bilang kondisyon para sa pagtatapos ng giyera.

Katwiran ni Trump, ang kasunduan sa Iran ay “irrelevant” at binigyang-diin na lulubayan ng US ang Islamic country kapag natiyak ng hindi gagawa ng nuclear weapon ang rehimen sa mga darating na taon.

--Ads--

Sinabi rin ni Trump na napalitan na nila ang rehimen ng Iran, na hindi bahagi ng kanilang plano. Giit ni Trump, iisa lang ang kaniyang layunin, ang siguraduhing walang nuclear weapons ang Iran, na nakamit na umano ng Amerika.

Ginawa ng US President ang pahayag kasabay ng pagpasok ng digmaan sa ikalimang linggo na.

Nauna naman ng inanunsiyo ng White House na nakatakdang magbigay ng update ang US President kaugnay sa digmaan sa Iran, alas-9:00 ng gabi Eastern Daylight Time (EDT) ng Miyerkules o alas-nwebe ng umaga oras sa Pilipinas, Huwebes, Abril 2.

Matatandaan, una nang nagbanta ang US ng pagpapaigting pa ng military operations sakaling tanggihan ng Iran ang 15-point ceasefire framework na inilatag ng US, kung saan kabilang sa dinedemand nito ang commitment ng Iran na itigil ang paggawa ng nuclear weapons, itigil ang lahat ng uranium enrichment at ganap na pagbubukas sa Hormuz Strait.