Mahalagang maunawaan ng publiko ang pagkakaiba ng simpleng lagnat at ng typhoid fever, upang maiwasan ang maling akala at mapangalagaan agad ang kalusugan.
Ayon kay Dr. Glenn Soriano, isang US-based medical expert at natural medicine advocate, ang lagnat ay isang normal na tugon ng katawan laban sa impeksyon.
Kung saan ito ay isang senyales na ang katawan ay buhay at nagrereact.
May mga virus na hindi kayang mabuhay sa mataas na temperatura, kaya ang lagnat ay nagsisilbing defensive mechanism ng ating katawan.
Ngunit binigyang-diin niya na hindi lahat ng lagnat ay pareho may mga sintomas ng lagnat na kaugnay ng iba’t ibang sakit, kabilang na ang typhoid fever, na mas seryoso at delikado.
Ang typhoid fever ay hindi simpleng sakit ito ay matinding impeksyon na may paulit-ulit at unti-unting tumataas na lagnat, na maaaring tumagal ng 10 araw o higit pa.
Ito ay dulot ng bakteryang Salmonella typhi, na maaaring mamuhay sa loob ng katawan ng tao.
Naipapasa naman ito sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain o inumin, partikular sa mga pagkain tulad ng manok at itlog, na maaaring may taglay na bacteria.
Samantala, walang pinipiling panahon ang typhoid fever at maaari itong mangyari anumang oras ng taon, at lahat ng edad ay maaaring tamaan.
Dagdag pa niya, itinuturing itong bahagi ng mga communicable diseases, dahil sa kakayahan nitong kumalat sa pamamagitan ng maruming tubig at pagkain.
Paalala naman nito sa publiko upang maiwasan ang sakit na ito ay magkaroon ng wastong kalinisan sa katawan at kapaligiran, partikular sa paghahanda ng pagkain at sa pag-inom ng malinis na tubig.