Patuloy pang inaayos ng Estados Unidos at Iran ang ilang mahahalagang usapin bago tuluyang maabot ang isang kasunduan kaugnay ng digmaan.

Ito ang pahayag ni US Vice-President JD Vance nang tanungin kung malapit na bang lumagda si Pangulong Donald Trump sa isang kasunduan, at kanya pang sinabi na masyado pang maaga upang sabihin kung “kailan o kung” tuluyang matatapos at mapagtitibay ng magkabilang panig ang kasunduan.

Ayon sa mga ulat, layunin ng kasunduan na palawigin ang tigil-putukan sa loob ng 60 araw at simulan ang usapin hinggil sa kinabukasan ng programang nukleyar ng Iran.

--Ads--

Una rito ay sinabi ng mga opisyal ng Estados Unidos na nagkasundo na ang dalawang bansa sa balangkas ng isang kasunduan, ngunit hinihintay pa ang pag-apruba nina Trump at ng liderato ng Iran.

Gayunman, iniulat ng semi-opisyal na Tasnim news agency ng Iran na hindi pa pinal at hindi pa rin kumpirmado ang naturang kasunduan.

Sinabi ni Vance na pabalik-balik pa ang usapan ng mga negosyador sa ilang detalye ng lengguwahe ng kasunduan, kabilang na ang “usapin ng enrichment.”

Matagal nang iginigiit ng Estados Unidos na itigil ng Iran ang paggawa ng highly enriched uranium at alisin ang kasalukuyan nitong imbentaryo, na maaaring gamitin sa paglikha ng mga sandatang nukleyar.