Dagupan City – Pormal ng tinanggap ng dalawang incumbent councilors ang posisyon bilang acting mayor at vice mayor ng syudad Urdaneta dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ang rank 7 councilor na si Rio Virgilio Esteves ay tinanggap ang pagiging Acting Mayor habang ang nasa ika-walong pwesto ng Sangguniang Panlungsod na si Councilor Blesildo Sumera ang gaganap bilang acting Vice Mayor.

Isinagawa ang pagtanggap sa posisyon kahapon, March 31, 2025 sa flag raising ceremony sa Old City Hall ground ng syudad.

--Ads--

Sinaksihan ito mismo ng City Local Government Operation Officer na si Richard Real at ilang mga konsehal ang pagpirma ng acceptance letter sa bagong katungkulan bilang Acting Mayor at Vice Mayor ng dalawang opisyal.

Matatandaan na pinagbawalang makapasok sa City hall sina Urdaneta City Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno III at pinsan nitong si Vice Mayor Jimmy Parayno sa ibinabang kautusan mismo ni DILG Sec. Jonvic Remulla dahil sa patuloy na pagganap ng tungkulin kahit na suspendido na ang mga ito.

Ang 1 year suspension order ng magpinsang Parayno ay galing mismo sa Office of the President sa Malacañang sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority.

Nag-ugat ito sa isinampang reklamo noong 2022 ng dating Urdaneta City Liga ng mga Barangay President Michael Brian Perez matapos siyang suspendihin at patalsikin sa pwesto.

Naisilbi ang suspension order noong Enero 7, 2025, bago pa man ang election period.

Ayon sa DILG, mula simula ay batid na ng magpinsang Parayno na legal ang suspension order sa kanila ngunit patuloy sa pagsuway at pagsasawalang bahala sa kautusan mula sa Malacañang.

Maaari ring maharap sa mga kasong ursurpation of authority ang suspendidong alkalde at bise alkalde dahil sa mga transaksyong pinirmahan nito.

Kasama rin umano sa makakasuhan ang mga konsehal, rank 1 hanggang 6, ng dereliction of duty dahil sa hindi pagtalima o pagsunod sa utos ng DILG bilang mga acting Mayor at Vice Mayor ng naturang syudad.