Dagupan City – Pinagbabawalan ng makapasok sa City hall sina Urdaneta City Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno III at pinsan nitong si Vice Mayor Jimmy Parayno matapos ang ibinabang kautusan ni Department of the Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla.

Pinangunahan nina DILG Regional Dir. Jonathan Paul Leusen Jr. at PBGen. Lou Evangelista, ang Regional Director ng Police Regional Office 1 ang pag-implementa ngayong araw, Marso 14, 2025 ng 1 taong suspension order laban sa magpinsang Parayno sa Urdaneta City Hall.

Batay sa DILG memorandum na may petsang Marso 13, 2025 na pirmado ng kalihim, inaatasan nito ang Regional Director na ipatupad ang suspension order ng magpinsamg Parayno Mayor Parayno sa pamamagitan ng hindi pagganap ng tungkulin at kapangyarihan bilang alkalde at bise alkalde.

--Ads--

Kabilang pa dito ang pagpigil sa kanila sa pagpasok sa buong City Hall Building at alinman sa mga satellite office at extension ng syudad.

Matatandaan na nagtakda ng 10 days ultimatum ang kalihim ng DILG sa suspendidong Mayor at Vice Mayor para lisanin ang opisina noong nakaraang buwan.

Nag-ugat ang suspension order ng magpinsang Parayno sa isinampang reklamo noong 2022 ni dating Liga ng mga Barangay President Michael Brian Perez matapos siyang suspendihin at patalsikin sa pwesto.

Kinatigan ito ng Office of the President at napatunayang liable sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority sa alkalde at bise alkalde.

Sa ngayon, bantay sarado pa rin ang City Hall building ng mga kapulisan.