Dagupan City – Nakipag-ugnayan ang Urbiztondo Police Station sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) noong Agosto 20, 2026 upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng mga lugar na naapektuhan ng Habagat.

Sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni PMAJ Fernan L. Rivera, Chief of Police, nakipagkoordinasyon ang mga tauhan ng Urbiztondo Police Station kay MDRRMO Head Arlyn Munoz hinggil sa pinakahuling bilang ng mga binahang lugar at mga residenteng inilikas dahil sa epekto ng patuloy na pag-ulan.

Tinalakay din sa koordinasyon ang mga kinakailangang paghahanda para sa simultaneous Active Shooter Incident Drill na nakatakdang isagawa sa Agosto 25, 2026. Layunin ng aktibidad na mapalakas ang kahandaan at koordinasyon ng mga response team sa pagtugon sa mga posibleng insidenteng nangangailangan ng mabilis at organisadong aksyon.

--Ads--

Patuloy naman ang ugnayan ng Urbiztondo Police Station at MDRRMO upang masubaybayan ang sitwasyon sa mga apektadong komunidad at matiyak ang maagap na pagtugon sa pangangailangan ng mga residente sa gitna ng epekto ng Habagat.