Mga kabombo! Sabi nga nila walang pinipiling oras at bagay ang mga kawatan.

Kung kaya’t pati ba naman upuan sa restaurant walang takas na natatangay!

Paano ba naman kasi, ito ngayon ang tampok na ninanakaw sa Spain.

--Ads--

Dahil dito, agad na nagkasa ang Spanish National Police at binuwag ang sindikato na eksperto sa pagnanakaw ng mga upuan sa mga restaurant at bar.

Dito na naaresto ang anim na lalaki at isang babae dahil sa pagnanakaw ng 1,100 na upuan sa mga outdoor terraces sa Madrid at sa kalapit na lungsod ng Talavera de la Reina.

Ayon sa pulisya, nagsimula ang sunud-sunod na nakawan sa mga restawran noong Agosto at nagpatuloy hanggang Setyembre.

Ang modus ng grupo ay sumalakay sa gabi kung kailan sarado ang mga restaurant.

Target nila ang mga upuan na karaniwang iniiwan sa labas.

Kahit nakakadena ang mga upuan ay ninanakaw pa rin ang mga ito sa pamamagitan ng paglagari.

Aabot naman sa tinatayang 60,000 euros o mahigit 4 million piso ang halaga ng mga ninakaw na upuan.

Ayon sa imbestigasyon, ang mga ninakaw na upuan ay hindi lang ibinebenta sa loob ng Spain. Ang iba rito ay ipinadadala at ibinebenta sa Morocco at Romania.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong pagnanakaw at pagsapi sa isang criminal organization.