Nanindigan ang uploader ng video ng isinagawang operasyon ng kapulisan kontra illegal na droga sa harapan ng isang Unibersidad dito sa lungsod ng Dagupan na walang sinuman ang nag-utos sakaniya na magpublic apology matapos ang pagkalat ng naturang video.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Christian Camacho, uploader ng kumalat na video , inihayag nito na bagamat nakausap na niya ang ilang opisyal ng Dagupan PNP matapos ang insedente, nilinaw nito na sarili nilang desisyon ang ginawang public apology na inupload nito sa facebook kasama ang ilan niyang kaibigan.

Matapos aniya ang kanilang pag-uusap ay naliwanagan siya tungkol sa mga isinasagawang operasyon ng kapulisan.

--Ads--

Kung mayroon man aniya siyang natutunan sa nangyari, ito ay ang hindi agad paglalabas ng mga kuhang video o larawan lalo na kung hindi alam ang boung istorya.

Nauna rito, naging viral sa social media ang kuhang video na inapload sa Facebook ni Camacho hinggil sa operasyon ng Dagupan City PNP kaugnay sa paghuli sa naturang lalaki. Dito makikita na hawak ng pulis ang kamay ng lalaki habang ito ay umiiyak at iginiit na wala siyang ginagawang masama na umani ng simpatiya ng mga netizens.

Nagdulot ito ng galit sa ilang nakapanood at naniniwalang illegal ang ginawang operasyon ng kapulisan at may ilang nag-akusa na tinaniman lamang ito ng ebedensiya.