Dagupan City – Inaasahang ilulunsad na sa susunod na buwan ang Upcycling Project sa bayan ng Manaoag.

Ito’y matapos na bumisita noong nakaraang buwan ang Local Government Unit Manaoag sa Malabon City upang makipag-ugnayan sa kompanya na nagsasagawa ng upcycling at makita ang proseso nito sa mga plastic na basura gagawin bilang usable materials.

Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, hihikayatin niya ang tulong ng Sangguniang Kabataan, mga barangay officials, at buong residente ng bayan upang maisakatuparan ang gagawing pangongolekta ng plastik.

--Ads--

Kung saan ang mga nakolektang plastik ay ibibigay sa Sentinel Upcycling Technologies Company sa Malabon City, isang kompanya na dalubhasa sa pagsasagawa ng upcycling na siyang magiging partner ng bayan sa proyekto.

Ang upcycling ay isang makabagong paraan ng pag-recycle ng mga itinapon na plastik. Sa pamamagitan ng pagkolekta, paglilinis, at pagcocompress ng mga plastik, hinuhubog ang mga ito upang maging matibay na mga upuan, basurahan, mesa, at iba pang gamit. Ang mga produktong ito ay maaaring gamitin sa mga paaralan, tahanan, at opisina.

Aniya, maganda ang proyektong ito dahil makakatuwang nila ang kompanya sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement. Inaasahan na bibisita ang mga eksperto mula sa Sentinel Upcycling Technologies Company sa Manaoag upang makapagbigay ng mga lektyur at presentasyon tungkol sa tamang paraan ng pag-recycle ng mga PET (polyethylene terephthalate) tulad ng mga plastic bottle, sachet ng shampoo, at junk food wrappers.

Batay sa pinakahuling datos ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Manaoag, tinatayang nasa dalawampu’t-isang (21) tonelada ng basura ang nakokolekta araw-araw.

Malaki ang maiaambag ng programang ito sa pagtataas ng kamalayan ng mga residente tungkol sa pag-recycle at pagtulong sa kalikasan. Hindi lamang perwisyo ang dala ng mga plastic kung nakakalat sa kalsada at bumabara sa mga kanal na nagsasanhi ng pagbaha, kundi maaari rin itong mapakinabangan sa maayos na paraan.