Mariing kinondena ni Prof. Nestor Castro, anthropologist ng University of the Philippines (UP), ang AI-generated video na inilabas kamakailan ng isang Chinese media outlet na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy na nakasuot ng barong Tagalog at salakot.
Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Castro na ang naturang video ay isang malinaw na anyo ng diskriminasyon at racist na paglalarawan sa mga Pilipino.
Ayon sa kanya, bagama’t pinag-aaralan sa antropolohiya ang ebolusyon ng tao mula sa mga sinaunang ninuno ng mga ape, hindi ito maaaring gamiting batayan upang maliitin o insultuhin ang isang lahi.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng cultural sensitivity sa paggawa ng mga larawan, video at iba pang materyales, lalo na kung tumatalakay sa identidad ng isang bansa o lahi.
Aniya, bagama’t hindi tahasang binanggit sa AI video ang salitang “Filipino,” malinaw na ang mga karakter ay kumakatawan sa mga Pilipino dahil sa pagsusuot ng barong Tagalog at salakot, gayundin sa mga eksenang may kaugnayan sa tensyon sa West Philippine Sea.
Babala ni Castro, hindi dapat ipagsawalang-bahala ang ganitong uri ng content kahit pa ito ay ginawa gamit ang artificial intelligence o ipinapakitang satirical lamang.
Tinukoy rin ng propesor na lumabas ang naturang video kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng 2016 Arbitral Award na kumikilala sa mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Para kay Castro, hindi ito maituturing na simpleng pagkakataon lamang kundi isang sinadyang mensahe na may kaugnayan sa umiiral na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa kabila nito, naniniwala siyang nagkaroon ng “boomerang effect” ang naturang video dahil mas maraming Pilipino ang nagkaisa sa pagkondena rito.










