DAGUPAN CITY– Naniniwala si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr na dahil sa pagiging “unproductive” na presensiya ni Vice President Leni Robredo kayat sinibak ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chariman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Esperon sinabi nito na nagdesisyon na ang pangulo na sibakin sa naturang posisyon si Robredo dahil hindi na trabaho ang ginagawa nito kundi pamumulitika.

Wala na anya sa lugar ang mga ginagawa nitong hakbang kung saan sa halip na sa mga kinauukulan lumapit at magsalita ay sa media niya ito ginagawa.

--Ads--

Denepensahan din nito ang hindi pagbibigay ng listahan ng High Value Target kay Robredo dahil may sinusunod na proseso rito.

Aniya ang mga taong hindi kailangan na makakita nito ay hindi dapat pahintulutan lalot kailangang protektahan ang mga dokumentong ito.

Sa halip kasi rin aniya na trabaho ang gawin nito ay pag-iimbestiga ang inaatupag ng bise presidente.

National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr

Matatandaan na Linggo ng gabi nang tuluyang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo bilang co-chariman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ito’y tatlong linggo pa lamang mula nang italaga ng 74-year-old chief executive ang 54-year-old vice president sa pagiging ICAD co-chairman.

November 6, tinanggap ni Robredo ang alok ni Pangulong Duterte na maging ICAD co-chair.