Sinita mismo ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang hindi pagkakaroon ng maayos na plano ng mga kapulisan patungkol sa pagbabantay ng mga Vote Counting Machines o VCM’s na gagamitin para sa May Midterm Elections.

Sa kanyang pagbisita sa PNP Regional Office I sa lalawigan ng La Union inisa isa nitong pinuna ang mga kakulangan ng pulisya pati na ang pagkwestyon nito sa kanilang kahandaan para sa nalalapit na halalan.

Ayon kay Albayalde ,mali ang naging pamamaraan at diskarte ng PNP Region I kabilang na ang iba’t ibang mga Provincial Directors. Sa halip kasi na pangalanan kung sino ang mga itatalagang pulis na magmamando at magbabantay sa mga makina para sa eleksyon ay numero o bilang lamang umano ng mga ito ang ibinigay sa kanya.

--Ads--

Bigo din umanong maibigay sa kanya ang mga contact numbers ng mga ito na gagamitin o tatawagan sakaling magkaroon ng aberya.

Pinuna din nito ang augmentation o dagdag na pwersa mula sa Armed Forces of the Philippines o AFP. Aniya, dapat habang maaga pa lamang ay tukoy na ang lugar kung saan i-dedeploy ang mga ito. Hindi rin umano dapat hayaan na sila mismo ang mamili kung saang lugar sila ilalagay upang magbantay.

Kaugnay naman nito, pinayuhan pa rin ni Albayalde ang kapulisan na magkaroon at maglatag pa rin ng kanilang contingency plan upang matiyak ang seguridad sa darating na halalan. with report from Bombo Lyme Perez