Binatikos ng United Nations (UN) ang brutal na pag-atake ng isang armadong gang sa isang fishing village sa Haiti na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa 40 katao, kabilang ang mga bata at matatanda, noong Setyembre 11.
Ayon sa ulat ng lokal na media sa Haiti, sinunog ng armadong grupo ang buong nayon sa Labodrie bilang ganti matapos mapatay ang kanilang lider na kinilalang si Vladimir.
Si Vladimir ay miyembro ng gang alliance na “Viv Ansam,” isang alyansang idineklara ng Estados Unidos bilang teroristang grupo noong Mayo ng taong ito.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng UN Secretary-General na si António Guterres na lubos siyang nababahala sa tumitinding karahasan sa Haiti.
Patuloy naman na nananawagan ang international community sa pamahalaan ng Haiti na paigtingin ang kanilang aksyon upang mapanagot ang mga responsable at maprotektahan ang karapatang pantao ng kanilang mamamayan.