Nais paimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros ang aniya’y unfair o hindi patas na polisiya para sa proteksyon ng mga consumers na pinaiiral ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Sa Senate Resolution 509 na inihain ni Hontiveros, tinukoy niya ang mandato ng ERC na protektahan ang electricity consumers subalit posibleng nagkukulang ito.

Partikular na binanggit rito ang karapatan ng mga consumers na i-protesta ang bayarin sa kuryente lalo na kung mali ang pagbasa sa metro, ngunit ipinapayo naman na bayaran muna ang naka-protestang bayarin.

--Ads--

Partikular na kinukwestyon ni Hontiveros kung bakit napunta sa consumers ang responsibilidad sa maling paniningil at nanganganib pang maputulan ng kuryente.

Matatandaan na dismayado ang mga consumers sa inaprubahan ng ERC na pagtaas sa singil sa kuryente mula noong Pebrero at sa anunsyo ukol sa panibagong pagtataas ng singil sa kuryente na halos 35 sentimo kada kilowatt hour na ang itinuturong dahilan ay ang pagtaas sa presyo ng petrolyo.