DAGUPAN CITY– Pangkalahatang naging Generally Peaceful ang lungsod ng Dagupan sa gitna ng obserbasyon ng Undas 2019.

Ayon kay P/Maj. Rizalino Suarez, Deputy Chief of Police ng Dagupan City PNP, itinuturing nilang pangkalahatang naging mapayapa ang paggunita ng Todos Los Santos kahapon, kahit pa may ilang mga insidente na naitala.

Aniya, may naitala silang kaso ng pagkawala ng mga bata, pero naibalik din sa kanilang mga magulang kinalunan.

--Ads--

Bukod dito ay may mga nagtangka paring magpuslit ng mga patalim na sinasabing panlinis subalit hindi pinayagang maipasok dahil mahigpit itong ipinagbabawal na dalhin sa mga sementeryo sa mismong araw ng Undas.

Inihayag naman ni Suarez, na bukod sa mga naglalakad na pulis sa mga sementeryo dito sa lungsod, may mga nakamotorsiklo ding mga pulis na lumilibot sa mga bara-barangay upang matiyak na hindi masasamantala ng mga kawatan ang mahalagang obserbasyon para sa mga Katoliko.

Bagamat, aminado si Suarez na ang naging malaking hamon para sa kanila ay ang pagbigat ng daloy ng trapiko dahil bukod sa pagdami ng mga pribadong sasakyan maraming nagtutungo sa sementeryo ang halos nasa gitna na ng daan.

Dagdag pa nito, sa isang pribadong sementeryo sa lungsod ay umabot na sa humigit kumulang 10,000 ang nagtungo.