DAGUPAN CITY- Pumasok na ang bagong taon subalit bungad naman umano sa transport sector ang malaking dagok na panibagong pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mar Balbuena, Chairman ng Manibela, aniya, inaasahan na nila ito subalit kaniyang ikinalulungkot ito sapagkat hindi pa sila nakakabawi mula sa gastusin mula sa holiday season.
Giit niya, hindi naman nakasasapat ang sentimo na rollback dahil higit pa sa P1 kung magkaroon ng price hike.
Sa pagtatantsa ni Balbuena ay umaabot sa hindi bababa sa P300 ang ikinalulugi sa isang araw at higit P5,000 naman sa isang buwan dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng produktong petrolyo.
Kung magkakaroon naman ng taas pamasahe ay mauuwi lamang ito sa isang “domino effect” kung saan magtataas din ang mga basic commodities.
Sinabi rin ni Balbuena na hindi rin naman sila nakinabang sa fuel subsidy dahil wala rin silang natanggap.
Hindi rin nila tiyak kung saan napunta ang pondo na dapat ilalaan sa nasabing sabsidiya.
Kaya hiling na lamang ni Balbuena sa Department of Transportation (DOTr) na mapagbigyan sila sa pagkakaroon ng discount sa tuwing magpapagasolina.
Sa kabilang dako, hindi suportado ni Balbuena ang Modernization Program sa transportasyon dahil sa kaakibat nitong kurapsyon at hindi maayos na magpapatakbo ng kooperatiba.
Aniya, umaabot sa P50,000 ang binabayarang membership sa consolidation at palagian pang may bayarin.










