Ibinahagi ng unang indibidwal sa lalawigan ng Pangasinan na nabakunahan ng Sinovac COVID-19 vaccine ang kaniyang karanasan na ginanap sa vaccination activity ng Region 1 Medical Center (R1MC), kahapon.
Ayon kay Dr. Agnes Dimaano, medical specialist sa R1MC Department of Pediatrics, ‘excited at hindi siya takot’ na maturukan ng naturang bakuna laban sa Covid-19 sapagkat mas inisip nito ang magandang benepisyo na maprotektahan siya kontra sa nabanggit na sakit.
Bagaman may ilang siyang agam-agam noong una, saad ni Dimaano na namayani ang kaniyang mentalidad na para rin sa kaniyang kapakanan bilang medical frontliner ang pagpapabakuna ng produkto ng Sinovac.
Wala naman umano siyang naramdamang anumang side effects pagkatapos mabakunahan ngunit sasailalim pa rin sila sa 24 na oras na monitoring kung sakaling may maramdaman sila anumang epekto ng bakuna sa kanilang katawan.
Itinuturing niya itong “blessing” lalo na’t nauna ang kanilang ospital sa Pangasinan na nakatanggap ng nabanggit na bakuna.
Hiniling din nito sa takdang panahon ay makatanggap na rin ng COVID-19 vaccine ang iba pang health care workers mula sa mga pribadong ospital sa lalawigan.