Dagupan City – Naitala na sa bansang Pilipinas ang kauna-unahang kaso ng monkeypox/mpoxsa bansa ngayong taon.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health, kung saan ang pasyente ay kinilalang 33-anyos at walang anumang travel history sa labas ng bansa bagama’t mayroong intimate contact tatlong linggo bago lumabas ang sintomas.

Kung kaya’t nasa tinatayang 10 kaso na ng monkeypox ang naitala sa Pilipinas at ang pinakahuling kaso ay naiulat noong nakalipas na taon.

--Ads--

Base sa datos ng kagawaran, nagsimulang maramdaman ng pasyente ang sintomas ilang linggo na ang nakakalipas.

Kabilang na dito ang lagnat at sinundan ito ng rashes sa kanyang mukha, likod , batok, singit , palad at talampakan.

Kaugnay nito, dinala ang pasyente sa isang public hospital kung saan kinukuha ang mga specimen mula sa mga sugat sa balat at sinuri sa pamamagitan ng real-time polymerase chain reaction (PCR) test.

Samanatala, ayon naman sa World Health Organization (WHO), ang mga sintomas ng mpox ay kinabibilangan ng skin rash o mucosal lesions, na sinamahan ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya, at pamamaga ng mga lymph node.