Posible nang mareresolba ngayong taon ang mga unang kasong may kinalaman sa flood control scandal na kasalukuyang dinidinig sa Sandiganbayan.
Sa ginanap na Senate Finance Committee deliberation para sa panukalang budget ng judiciary sa taong 2027, inihayag ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Faith Econg na maaaring maglabas na ng desisyon ang korte ukol sa conviction o acquittal ng mga akusado.
Ayon kay Justice Econg, ang pinakaunang kasong inihain ng Office of the Ombudsman noong Nobyembre 18, 2025 ay mabilis na umunlad at kasalukuyan nang nasa defense stage bago pa man mag-isang taon.
Binigyang-diin ng opisyal na kung susundin ang probisyon ng Speedy Trial Act na inilatag ng Korte Suprema, may malaking posibilidad na matapos at mapagpasyahan na ang naturang kaso bago magtapos ang taon.
Kabilang sa mga high-profile individual na naaresto at nakakulong ngayon dahil sa kanilang umano’y kaugnayan sa flood control scandal sina dating House Speaker Martin Romualdez at Senator Jinggoy Estrada. Via Bombo Dennis Jamito










