Dagupan City – Tinawag ni Legal at Political Consultant Atty. Francis Dominick Abril na isang magandang panimula ang unang araw ng impeachment proceedings dahil kapwa aniya matibay ang ipinakitang argumento ng prosecution at defense panels.

Ayon kay Abril, may presumption of regularity ang mga naging desisyon ng Senado dahil ito ay inaprubahan ng mayorya ng mga senador at mananatiling may bisa hangga’t hindi ito idinedeklarang walang bisa o void.

Sinabi rin niya na kuwalipikado si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court dahil nakabatay ito sa mga umiiral na alituntunin at guidelines.

--Ads--

Aniya, nakatuon si Escudero sa technicalities at due process, at batay sa ipinakita nito sa unang araw ng pagdinig ay napanatili ang pagiging patas ng proseso.

Napukaw rin umano ang atensyon ng publiko sa naging opening statements ng magkabilang panig.

Iginiit ng prosecution na hindi isang political prosecution ang isinasagawang impeachment, habang ipinakita naman ng defense panel ang matibay na paninindigan sa kanilang depensa.

Aniya, hindi rin nagpahuli ang kampo ng depensa sa paglalatag ng kanilang mga argumento.

Pinuri rin ni Abril ang ipinakitang fair play ng magkabilang panig.

Dagdag pa niya, naging kapansin-pansin ang lawak ng depensa ng kampo ng respondent dahil sa dami ng mga abogado at iba’t ibang legal na argumento na kanilang iniharap.

Ayon kay Abril, ang magiging sentro na ng mga susunod na pagdinig ay ang merito ng kaso at ang magiging depensa ng respondent, habang inaasahan ding magiging mahalagang salik ang opinyon ng publiko habang umuusad ang paglilitis.

Binigyang-diin din niya na mahalagang maayos na mailatag ang mga lehitimong argumento at mapanatili ang balanse sa pagtalakay sa merito ng kaso.

Aniya, hindi rin dapat maliitin ang naging pasya ng bawat senador na bumoto sa mga naging hakbang ng impeachment court.

Para naman sa mga susunod na pagdinig, sinabi ni Abril na mahalagang personal na dumalo ang Bise Presidente upang magamit ang kanyang karapatang harapin at i-cross examine ang mga testigo.

Aniya, pagkakataon din ito upang patunayan na wala siyang itinatago at upang maipakita ang paggalang sa proseso ng impeachment trial.