DAGUPAN CITY- Magsisimula na ngayon araw, May 7, ang umpisa ng pagpasok ng 133 na kardinal sa Sistine Chapel upang sumailalim sa Conclave at pagbotohan ang susunod na santo papa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jessie Games, Bombo International News Correspondent sa Italy, nakatakda ito na maganap sa oras na 4:30 PM, oras sa Italy, o 10:30 ng gabi, oras sa Pilipinas.
Aniya, inaasahan ang lalo pang paghigpit ng seguridad sa paligid ng Vatican City, lalo na sa labas ng Sistine Chapel, kung saan nakakalat ang mga kapulisan, militar, at ang mga CCTV camera.
Samantala, natutunugan ngayon ni Games ang tatlong Italyanong kardinal na sina Cardinal Pietro Parolin, Cardinal Matteo Zuppi, at Cardinal Angelo De Donatis bilang malakas na contender bilang papalit kay Pope Francis.
Hindi rin nawawala ang pangalan ni Cardinal Luis Antonio Tagle dahil siya ang unang pinakabatang maaaring pumalit bilang santo papa.
Kaya buong nakatutok ang mamamayan ng Italy sa Vatican dahil hindi tiyak kung ano at kailan ilalabas ang usok sa tsiminea ng chapel na magbibigy hudyat sa naging desisyon ng mga kardinal.
Ang itim na usok ay nangangahulugang wala pang napipili na bagong papa, habang Habemus
Papam naman ang puting usok, nangangahulugang napili na ang bagong santo papa.