DAGUPAN CITY- Nagsimula na kahapon, May 7, ang unang araw ng Conclave o ang botohan ng mga Cardinal hinggil sa susunod na santo papa.
Naunang isinagawa ang procession ng 133 Cardinal sa Pauline Chapel patungong Sistine Chapel na pinangunahan ni Cardinal Pietro Parolin.
Pagkarating naman ng mga Cardinal sa Sistine Chapel ay isinagawa ang kanilang oath-taking kung saan isa si Filipino Cardinal Antonio Luis Tagle sa mga nauna. Ang oath-taking ay ang panunumpa ng mga cardinal na kanilang papanatilihin ang pagkasekreto ng conclave.
Matapos nito, opisyal nang pinalabas ang mga hindi makikibahagi sa botohan at isinara ang mga pintuan ng naturang chapel.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Dagupan kay Jessie Games, Bombo International News Correspondent sa bansang Italy, hindi agad dinagsa ng mga tao ang St. Peter’s Square dahil sa naranasan nilang pabugso-bugsong pag-ulan.
Gayunpaman, hindi aniya maitago ng Filipino Community ang kanilang pagkasabik sa bagong itatalagang santo papa.
Subalit, itim na usok ang kanilang inaasahan na unang lalabas sa tsiminea ng chapel dahil anila, maaaring hanggang biyernes pa ang ikatagal nito.
Hiling naman nila na buong matutugunan ng bagong santo papa ang responsibilidad nito dahil hindi biro ang gagampanan nitong papel.
Samantala, ani Games, tuloy-tuloy lang ang mga trabaho sa Italy at hindi nagkakakroon ng kanselasyon.