Bumuo ang United Nations (UN) ng isang espesyal na task force na tututok sa pagbuo ng mekanismo upang matiyak ang ligtas at tuloy-tuloy na paglalayag ng mga barko sa Strait of Hormuz, kasunod ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon kay Stéphane Dujarric, mahalaga ang agarang aksyon upang maiwasan ang mas malawak na epekto ng krisis sa pandaigdigang kalakalan at suplay ng mahahalagang produkto.
Binigyang-diin niya na ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa buong mundo, kung saan dumaraan ang malaking bahagi ng global oil shipments.
Sa kasalukuyan, ramdam na ang epekto ng lumalalang sitwasyon sa Middle East sa pandaigdigang merkado.
Apektado ang suplay at presyo ng fertilizer at langis, na nagdudulot ng pagtaas sa halaga ng mga pangunahing bilihin sa iba’t ibang bansa.
Hindi rin ligtas ang Pilipinas sa epekto nito, dahil umaasa ang bansa sa imported na langis at agricultural inputs tulad ng fertilizer, inaasahang tataas ang gastusin sa produksyon ng pagkain, na maaaring magresulta sa pagmahal ng presyo ng mga produktong agrikultural at iba pang pangunahing pangangailangan.
Sa kabila nito, nananawagan ang UN sa mga bansang sangkot sa tensyon na pairalin ang diplomasya at iwasan ang karagdagang eskalasyon upang mapanatili ang katatagan ng pandaigdigang ekonomiya at seguridad ng mahahalagang ruta ng kalakalan.










