Inimbitahan ni Ukranian President Volodymyr Zelensky si US President Donald Trump na bumisita sa Ukraine bago makipagkasundo sa Russia upang wakasan ang digmaan.
Pakiusap nito na bago ang anumang desisyon o uri ng negosasyon, magtungo muna si Trump at saksihan ang kalagayan ng mga tao — mga sibilyan, sundalo, ospital, simbahan, at mga batang nasira ang buhay o namatay.
Naitala ang panayam bago pa man tumama ang isang missile ng Russia sa lungsod ng Sumy, na pumatay sa 34 katao at sumugat sa 117 iba pa.
Wala pang pahayag mula sa Russia hinggil dito.
Sinabi naman ni Trump na may nagsabi sa kanyang isa itong pagkakamali, pero hindi binanggit kung galing ba ang impormasyong ito sa Moscow.
Samantala, inakusahan ni Friedrich Merz — ang susunod na chancellor ng Germany — ang Russia ng paggawa ng war crime.
Ang pag-atake ay naganap habang ang Estados Unidos — ang pinakamalakas na alyadong militar ng Ukraine — ay nagsusulong ng pagtatapos ng digmaan, na nasa ikaapat na taon na ngayon, sa pamamagitan ng negosasyon sa ilalim ng pamumuno ni Trump.