Handang tanggapin ng Ukraine ang agarang 30-araw na tigil-putukan sa Russia na iminungkahi ng US, matapos ang isang araw ng pag-uusap ng US at Ukraine sa Saudi Arabia.
Ayon kay US Secretary of State Marco Rubio, ipipresenta niya ang alok sa Russia at nasa kanilang kamay na ang desisyon.
Inihayag naman ni Ukraine’s President Volodomyr Zelensky na nasa US na ngayon ang tungkulin na kumbinsihin ang Russia na tanggapin ang positibong panukala.
Ang mga pag-uusap noong Martes sa Jeddah ay ang kauna-unahang opisyal na pagpupulong sa pagitan ng dalawang bansa mula nang maganap ang hindi pangkaraniwang komprontasyon nina Zelensky at US President Donald Trump sa Oval Office.
Sa isang magkasanib na pahayag, sinabi rin ng US na agad nilang ipagpapatuloy ang pagbabahagi ng intelihensiya at tulong sa seguridad sa Ukraine.
Una rito ay sinabi ni Rubio sa isang press conference sa Jeddah kamakailan na umaasa siyang tatanggapin ng Russia ang panukala.
Ang alok ng 30-araw na tigil-putukan ay higit pa sa panukala ni Zelensky para sa isang pansamantalang kasunduan.