Umigting ang tensyon sa rehiyon ng Caribbean matapos ang isinagawang military strike ng Estados Unidos laban sa isang hinihinalang drug boat mula Venezuela, na nagresulta sa pagkamatay ng 11 katao.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng operasyon ang U.S. military sa karagatang sakop ng Caribbean Sea bilang bahagi ng kanilang kampanya kontra droga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Allan Tulalian Bombo International News Correspondent in Trinidad and Tobago ang nasabing bangka ay sinasabing kabilang sa mga grupong sangkot sa drug cartel na aktibo sa North America, partikular sa Venezuela.
Layunin ng operasyon na hadlangan ang patuloy na pagpasok ng ilegal na droga patungong Estados Unidos.
Bilang bahagi ng pinalakas na presensya ng militar sa rehiyon, nagpadala ang U.S. Navy ng pitong warship at isang nuclear-powered submarine sa Caribbean Sea. Ang hakbang na ito ay naging sanhi ng pangamba sa mga karatig-bansa, kabilang na ang Trinidad and Tobago.
Bagama’t maulan at maaraw ang panahon sa lugar, nananatiling bantay-sarado ang karagatan, kasabay ng mahigpit na seguridad.
Samantala, ipinahayag ng Prime Minister ng Trinidad and Tobago ang suporta sa isinagawang hakbang ng Estados Unidos, at nag-alok pa ng posibilidad na gamitin ang kanilang bansa bilang base militar sakaling lumala pa ang tensyon o magkaroon ng ganap na giyera sa pagitan ng Amerika at Venezuela.
Sa gitna ng umiigting na tensyon, lumulutang naman ang pangamba sa posibleng epekto nito sa mga mamamayan, lalo na’t lumalalim ang economic crisis sa rehiyon.
Ayon sa mga ulat, dumarami rin ang bilang ng mga ilegal na naninirahan sa Trinidad and Tobago, kabilang ang ilang migranteng Venezuelan.
Dahil dito, nananawagan si Tulalian sa pamahalaan ng Pilipinas na paghandaan ang posibleng repatriation ng mga Pilipinong naninirahan sa rehiyon sakaling lumala ang sitwasyon.