Iniulat ng mga opisyal ng Iran na tinamaan ng pag-atake ang isang gusaling residensyal sa Qeshm Island, kung saan tatlong katao ang sinasabing na-trap sa ilalim ng mga guho.
Ayon sa mga awtoridad, nakaranas din ng pagkawala ng kuryente ang isla habang isinasagawa ang mga hakbang upang maibalik ang suplay.
Dalawang katao naman ang nasugatan sa insidente at agad na dinala sa ospital, habang nagpapatuloy ang clearing operations sa mga debris.
Ang naturang mga pag-atake ay kahalintulad ng naging operasyon militar ng Estados Unidos laban sa Iran na tumagal ng 13 araw, kung saan nakatuon ang mga pag-atake sa mga lalawigan sa katimugang bahagi ng bansa, partikular sa mga lugar malapit sa Persian Gulf at Strait of Hormuz.
Tinamaan din umano ang Kish Island, ngunit sinabi ng mga awtoridad na wala namang naitalang aberya sa biyahe ng mga pampasaherong sasakyang-dagat, car ferry, at operasyon ng mga pantalan.
Samantala, nilinaw ng mga opisyal sa Bandar Abbas ang mga ulat tungkol sa narinig na pagsabog.
Ayon sa kanila, hindi direktang inatake ang lungsod; ang mga narinig na malalakas na tunog ay mga alingawngaw lamang mula sa pag-atake sa Qeshm Island.
Nauna rito, tiniyak ni U.S. President Donald Trump na gaganti ang Estados Unidos laban sa Iran matapos ang iniulat na pag-atake sa mga base militar ng Amerika sa Jordan.
Ang pahayag ng lider ng U.S. ay kasunod ng patuloy na tensyon at sagupaan sa pagitan ng dalawang panig, kahit nagpapatuloy ang mga panawagan para sa peace negotiations.










