Dagupan City – Nagpahayag ng suporta sa mga gumagawa ng tupig at sa patuloy na pag-unlad ng kabuhayan sa Laoac, Pangasinan si 5th District Board Member Rose Apaga sa kanyang pagdalo sa Tupig Festival 2026 ng bayan.
Ayon kay Apaga, kapansin-pansin ang masayang pagdiriwang ng mga residente kung saan tampok ang makukulay na street dancing presentation ng mga mag-aaral.
Aniya, kahanga-hanga ang ipinakitang galing at sigla ng mga street dancer na lalong nagbigay-buhay sa selebrasyon ng festival.
Bilang chairperson ng Committee on Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) sa Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan, binigyang-diin ni Apaga ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga lokal na gumagawa ng tupig na isa sa mga ipinagmamalaking produkto ng Laoac.
Aniya, hindi lamang ito simbolo ng kultura at tradisyon ng bayan kundi isa ring mahalagang pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming residente.
Nabanggit din niya ang natikman niyang tupig na inihanda ni Laoac Mayor Ricardo D. Balderas na kanyang inilarawang may tamang timpla at lasa.
Dagdag pa ni Apaga, ang tupig ay nagsisilbing simbolo ng pagkakaisa at pagmamahalan ng mga mamamayan ng Laoac, kung saan inihalintulad niya ang lagkit at tamis ng kakanin sa matibay na samahan ng mga taga-Laoac.
Dumalo rin siya sa selebrasyon upang ipakita ang kanyang patuloy na suporta sa kanyang mga nasasakupan sa bayan ng Laoac.
Tiniyak din ng opisyal na patuloy siyang nakaalalay at susuporta sa mga programa at inisyatiba para sa kapakanan ng mga residente ng ikalimang distrito ng Pangasinan.
Kasabay nito, binati rin ni Apaga ang mga mamamayan ng Laoac sa matagumpay na pagdiriwang ng Tupig Festival at ipinahayag ang kanyang suporta sa pamumuno ni Mayor Ricardo D. Balderas sa patuloy na pag-unlad ng bayan.










