DAGUPAN CITY- Hindi naging madali para kay Cheryl Ganan Potoy, nagparepatriate na Overseas Filipino Worker sa Lebanon, ang kaniyang pinagdaanan bago ito makauwi sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, noong una ay hindi pa siya pinapayagan ng kaniyang amo na magparepatriate dahil kinakailangan niya pang maibalik ang binayad ng kaniyang amo sa agency para makapagtrabaho siya bilang katulong nila.
Hanggang sa umabot na sa halos magkasakit na siya dahil sa trauma dulot ng lumalalang tensyon at nakakaapekto na rin ito sa kaniyang ina.
Dulot ito ng labis nilang nararamdaman ang pagyanig sa tuwing may pagpapasabog.
Ikinatakot naman ito ng kaniyang amo at pinayagan na siyang magparepatriate. Hindi naman nagkaproblema si Cheryl na makuha ang kaniyang mga dokumento mula sa kaniyang amo.
Agad niyang inayos ang mga dokumento at humiling na lamang sa embassy na mas mapaaga ang kaniyang paglipad pabalik ng Pilipinas dahil sa kaniyang nararamdaman.
Ayon kay Cheryl, dalawa lamang sila ng kaniyang kapwa ofw sa Lebanon ang napauwi noong October 10, subalit araw araw naman aniyang may pinapauwi.
Gayunpaman, marami pa ang hindi makauwi dahil ang ilan sa mga ito ay tumakas lamang at hawak ng kanilang amo ang mga kinakailangang dokumento.
Pagbalik naman sa Pilipinas ay sinalubong sila ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW) at pinapirma lamang ng ilang dokumento.
Samantala, wala pa sa isipan ni Cheryl na bumalik sa ibang bansa dahil sa takot at trauma na naranasan sa Lebanon.
Bagaman single parent siya at may pinapaaral, malaking tulong para sa kaniyang panimula ang ibinigay na tulong pinansyal ng OWWA at DMW.