DAGUPAN CITY- Labis nang nahihirapan ang mga mangingisda, partikular na sa bahaging Cagayan at Ilocos, dahil sa tuloy tuloy na pagdating ng bagyo sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ronnel Arambulo, Vice Chairperson ng PAMALAKAYA-Pilipinas, nahihirapan sila sa kanilang sitwasyon dahil sa muling hindi pagpalaot dulot ng sama ng panahon at kakulangan sa kanilang natatanggap na ayuda.

Aniya, kinakailangan na naman nilang mangutang upang may maipakain lamang sa pamilya, subalit lalo lamang nitong papalakihin ang kanilang utang.

--Ads--

Kaya kanilang kahilingan ang kagyat na pagtugon ng pamahalaan para sa kanilang problema lalo na sa tuwing may kalamidad.

Kabilang na dito ang P15k production subsidy na ipinanukala ng Makabayan Bloc ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa ito naisasabatas.

May pondo man na nakalaan para sa kanila lalo na sa tuwing hindi sila nakakapamalaot subalit, hindi naman aniya ito naibibigay nang maayos.

Sinabi din ni Arambulo na sumasabay pa sa kanilang sitwasyon ang mga kaganapan sa West Philippine Sea. Hindi na rin kase aniya sila makapalaot sa malayong bahagi ng karagatan para makahuli ng maraming isda dahil sa pagharang dala ng China Coast Guard.

Dumarami na rin ang bilang ng mga barko ng China upang mabantayan ang lugar kung saan marami silang nahuhuling isda.

Hindi rin aniya magawang magbantay ng Philippine Coast Guard sa mga ito dahil sa kakulangan ng tauhan.

Samantala, nasa P15-million lamang ang inalaan na budget para sa subsidy ng mga mangingisda.

Ayon kay Arambulo, maliit lamang ito at sobra ang kakulangan dahil umaabot lamang sa 6,000 na mga mangingisda ang makikinabang.

Giit niya na dapat nilalaanan ng malaking pondo ang kanilang sektor dahil sa katulad nilang mangingisda o magsasaka ang nagpapanatili food security sa bansa.

Gayunpaman, sila pa aniya ang nare-red tag sa tuwing nagkakaroon sila ng pagwelga dahil sa kakulangang aksyon ng pamahalaan sa kanilang sektor.