Dagupan City – Tumanggap ng rehabilitation seeds ang 220 corn growers sa Mangaldan na naapektuhan ng nagdaang bagyo noong Nobyembre 2025.
Ipinamahagi ang mga binhi sa isang seremonyal na aktibidad ng lokal na pamahalaan bilang bahagi ng tulong para sa muling pagbangon ng sektor ng agrikultura.
Ayon sa Municipal Agriculture Office, bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng tig-isang bag ng binhi mula sa Department of Agriculture, na may tinatayang halagang limang libo hanggang anim na libong piso kada bag.
Kabilang sa ipinamigay ang iba’t ibang uri ng hybrid corn seeds na inaasahang makatutulong sa mabilis na pagbabalik-produksyon ng mga magsasaka.
Pinaalalahanan din ang mga magsasaka na agad iulat ang pinsala sa pananim at alagang hayop tuwing may kalamidad upang maisama sa listahan ng mga makatatanggap ng tulong.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ang patuloy na koordinasyon sa Department of Agriculture para sa tuloy-tuloy na suporta sa mga magsasaka sa mga susunod na panahon.










