Dagupan City – Namigay ng tulong pinansyal ang pamahalaan sa 500 estudyante sa kolehiyo mula sa bayan ng Sta. Barbara sa pamamagitan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tumanggap ng tig-P3,000 ang bawat benepisyaryo bilang suporta sa kanilang pangangailangang pinansyal habang nag-aaral.

Pinangunahan ng kinatawan ng tanggapan ng Senado ang pamamahagi ng ayuda katuwang ang lokal na pamahalaan ng Sta. Barbara.

--Ads--

Layunin ng aktibidad na mabawasan ang gastusing kinahaharap ng mga estudyante at kanilang pamilya, partikular sa panahon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.

Bahagi ito ng mas malawak na programang nagbibigay-prayoridad sa edukasyon bilang susi sa pag-unlad ng kabataan at ng komunidad.

Patuloy namang ipinapakita ng lokal na pamahalaan ang suporta sa mga kabataang mag-aaral sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at opisina ng pamahalaan upang makapaghatid ng tulong sa sektor ng edukasyon.