DAGUPAN CITY- Agad nagpaabot ng tulong ang pamahalaan ng General Mamerto Natividad sa lalawigan ng Nueva Ecija sa pamilya ni Mary Jane Veloso at hakbang para sa panawagang clemency o presidential pardon nito mula kay Pangulong Marcos.
Ayon kay Mayor Anita M. Arocena ng nasabing bayan na natutuwa ito dahil nakauwe na ang kanyang kababayan sa Pilipinas sapagkat matagal din itong nakulong sa Indonesia dahil sa kasalanan na hindi naman niya intensyon na ginawa.
Aniya na nagpaabot agad ito ng tulong sa pamilya ni Mary Jane at personal na bumisita upang kumustahin ang mga ito nang nalaman ang balita tungkol dito.
Nagbigay ang lokal na pamahalaan ng pinansiyal na tulong at sakop din ang pamasahe ng pamilya papunta at pabalik ng Maynila para sa pag-aayos ng mga papeles habang tinulungan din ng alkalde ang pagsundo sa airport sa kapatid ni Mary Jane galing Saudi Arabia.
Nakipag-ugnayan na rin si Mayor Arocena sa Department of Migrant Workers (DMW) upang malaman ang iba pang posibleng tulong na maibibigay sa pamilya.
Dagdag pa nito na nakapaghain na rin sila ng pormal na request letter kay Pangulong Marcos para sa clemency kay Veloso.
Handa aniya ang lokal na pamahalaan na tumulong kay Veloso upang makapagsimula muli sa kanyang buhay at sa kanyang mga anak sakaling maibigay ang kahilingan nila na tuluyan nang lumaya.
Samantala, hihingi naman sila ng tulong sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa skills training at magbibigay din sila ng allowance para sa pag-aaral ng mga anak ni Veloso.