Isang kakaibang eksena ang tumambad sa mga mamimili sa isang antique store sa East Durham, New York matapos nilang madiskubre ang isang buhay na kuwago na tahimik na nagpapahinga sa isang estante.
Ayon sa New York State Department of Environmental Conservation, napansin ng mga customer sa tindahang The Market Place ang isang bagay sa estante na mukhang “sobrang makatotohanan,” ngunit kalaunan ay napag-alamang isang tunay na kuwago na nakapikit at natutulog.
Agad na rumesponde ang environmental conservation police officers, na maingat na kinuha ang ibon at inilabas sa tindahan. Kalaunan, pinakawalan ito sa kalapit na kagubatan kung saan agad itong lumipad at dumapo sa isang puno.
Ang ibon ay isang eastern screech owl, isang nocturnal na uri ng kuwago na karaniwang naninirahan sa mga butas ng puno. Hindi pa malinaw kung paano ito nakapasok sa loob ng tindahan.









