Dagupan City – Pumangalawa ang tubong Tarlac na si Richard Macapulay sa chemical technicians licensure examination sa kabila ng pagsabay sa trabaho at pagrerebyu.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Richard Macapulay, Rank 2 sa Chemical Technicians Licensure Examination, isa sa mga naging susi ng kaniyang tagumpay ay ang masusing pagsunod sa mga syllabus ng pagsusulit bilang bahagi ng kaniyang paghahanda.

Bilang isang instructor, sinamantala niya ang kaniyang mga libreng oras sa patuloy na pagbabasa ng mga notes upang mapanatili ang kaalaman at paghahanda sa exam.

--Ads--

Aniya, mahalaga ang pag-maximize ng oras lalo na para sa mga nagtatrabaho habang nagrerebyu.

Inamin din ni Macapulay na hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay patungo sa tagumpay.

Isa sa mga hamon na kaniyang hinarap ay ang mga pagkabigo at pagsubok sa ilang pagsusulit.

Gayunpaman, ang kaniyang consistency at determinasyon ang nagsilbing sandigan upang magpatuloy.

Pag-amin ni Richard nagkaroon ito ng pagdududa sa sarili ngunit ang ginawa niya ay nagfocus lamang sa kaniyang nais makamit at ito ay ang lisensya.

Ipinaabot naman niya ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang chemistry teacher na siyang nagtulak sa kaniya para ipursue ang propesyon.

Bukod dito, ibinahagi rin ni Macapulay na ang kaniyang pamilya ang nagsilbing malaking inspirasyon sa kaniya.

Aniya, sinurpresa na lamang niya ang mga ito sa balitang nakapasa siya sa board exam, dahil hindi niya ipinaalam na kukuha siya ng pagsusulit.

Mensahe naman nito sa mga susunod na kukuha ng licensure exam, alamin ang coverage ng pagsusulit, tukuyin ang mga kahinaan at kalakasan, at gamitin nang mahusay ang oras para sa epektibong pagrerebyu.